Kuwentong Kalye | Tao
23 August 2003| 0800H | Pasay City

Ang Hari ng Aming Daan

Text by: Jenelyn Cualian | Photos by: Jenelyn Culian

sidecar1 “Miss, sidecar!” pagdating mo pa lang sa kanto ng bahay namin, ito na ang sasalubong sa iyo. Iwasan mo man, tila ba nananadyang ihaharang pa ang kanilang ipinampapasada sa iyong daraanan. Kinakailangan mo pa tuloy umiwas. Hindi pa natatapos dyan, pagkatapos ng isa ay para bang nasa isa kang kuwebang puno ng alinngawngaw, sunod-sunod silang magsasabi ng, “Miss, sidecar!” Minsan may pasipsip pang idadagdag na Miss beautiful kahit mukha ka ng dinaanan ng bagyo. Marahil nang-aasar lang dahil alam nilang hindi naman ako sasakay sa sidecar nila. Sampung hakbang lang mula sa kanto ay bahay na namin.

Akala ko makakaiwas na ako sa kanila. Nagkamali ako. Hanggang eskwelahan ay hinahabol ako ng presensya nila. Iba nga lang linya. Miss Harrison?! O di kaya ay, “Angelo King?!” Pero ganoon pa rin ang estilo, kung hindi sasakyan nila ang ipanghaharang nila sa daanan ay sila mismo ang haharang sa iyo. Nakakainis lalo pa at nagmamadali ka. Noong minsan nga, sobrang init ng ulo ko dahil mahuhuli na ako sa klase, pinausad ba naman ng drayber ang sidecar niya paunahan kahit nakikita niyang daanan ng tao ‘yun. Umikot ako sa likuran, inusog niya naman ito patalikod. Nahampas ko tuloy ang sasakyan niya at sinabing, “Ano ba?!” Mapapaaway pa tuloy ako ng di oras. Tumalikod na ako at pabulong niyang sinabi, “Suplada!” Aba! Kahit sino namang nasa posisyon ko e magsusuplada. Handa na talaga akong makipagsapakan sa kanya.

Hindi pa diyan natatapos, madalas ay tatapat pa sila sa aming bahay at magpapatutog ng kalakas lakas. Halos matangal na ang tutule ko sa inilalabas ng malaki nilang speaker. Okey lang sana dahil sanay na ko sa maingay pero ang pinatutugtog nila ay Salbakuta featuring Andrew E. yata. Tungkol sa nirerape na syota sa telepono. At buong araw ay kumakanta siya sa ulo ko. Magaling!

Baka isipin niyong wala naman kasi kaming ginagawa. Maraming beses na naming tinagkang kausapin ang ilan sa kanila tungkol sa pagpapatugtog at pagharang sa daanan.Ang ilan ay nakinig pero ang karamihan ay mumurahin ka pa patalikod. Minsang nakiusap ang tatay ko na lagyan ng daanan ang pintuan namin, aba’t naghamon pa ng suntukan. Nang masaksihan ito ng aking nanay agad itong naglabas ng kutsilyo mula sa kusina. Harurot sa pagpedal ang mokong. O di ba’t parang pelikula?

Nauunawaan ko namang kailangan nilang kumayod pero sana konting respeto at konsiderasyon. Lalo na kung alam nilang hindi naman sasakay. Huwag na sana nilang ipagpilitan. Sasakay at sasakay din naman ang pasahero kung kinakailangan. Tunay ngang mahirap ang buhay ngayon pero sana ay huwag silang maging abuso. Hindi porke’t sila ang hari ng daan sa aming lugar e mag-aasal hari na rin sila.

Pero sino ba naman ako para pagsabihan sila. sidecar2Kahit sa mga kinauukulan ay hindi sila nakikinig. Pinagbawalan na silang manatili sa aming street, pero tulad ng ibang proyekto ng pamahalaan, ningas kugon. Kinabukasan naroon uli sila at nagsusutsot ng pasahero.

Marahil nga ay isa ito sa mga bagay na kailangan kong pagtiisan habang dito kami nakatira. Ilang taon na lang naman at lilipat na kami ng tirahan. Baka mamiss ko rin sila… --------------------------------------------------------------------------------


S E C T I O N S

Tao
Characters encountered,
conversations overheard,
lives examined.
[ Enter ]

Lugar
Geography, uncharted
territory, and inner
landscapes.
[ Enter ]

Bagay
Treasures, refuse,
ideas, and the odd
amulet or two.
[ Enter ]

Pangyayari
Action, reaction,
momentum, dissipation.
[ Enter ]

Metro Manila Stories
[ Home ]


Tao | Lugar | Bagay | Pangyayari | Home

Send comments or submissions to Kuwentong Kalye.

Kuwentong Kalye. All rights reserved.
Copyright 2002, Department of Communication
De La Salle University