22 August 2003| 1015H | Binondo Manila
Si Ninoy At Ang Aking Mga Ngipin
Text by: Leo Maranan| Photos by: Lalay Juco
Ngayon ay 22 ng Agosto. Ipinagdidiriwang ngayon ang araw ng pagkamatay ni Ninoy Aquino at ang muling pagkabuhay naman ng pusong pagkamakabayan at ng demokrasiya ng Pilipinas- hindi talaga ngayon ang araw ng kamatayan niya kundi kahapon. Ngunit dahil gusto nang ating pangulo na tuloy tuloy ang kanyang bakasyon at pahinga ay iniurong ito. Nang mangyari ang krimen na ito noong 1983, ako ay apat na buwan pa lamang kung kaya't tanging mga kuwento na lamang at mga libro nang kasaysayan ang aking naging mata ukol sa pangyayaring ito.
Ayon sa aking napag-aralan, umalis si Ninoy ng Boston noong Agosto 13 upang
bumalik sa Pilipinas. Kahit marami ang
tumututol sa pagbabalik niya dahil sa pangambang may masamang mangyari sa kanya, itinuloy pa rin niya ang kaniyang balak at sinabi niya ang katagang,
"The Filipino is worth dying for."
Upang maiwasan ang mga paniniktik ng pamahalaang Marcos,
iba't-ibang ruta ang kaniyang dinaanan. Itinago din siya sa pangalan na
Marcial Bonifacio. Marcial dahil sa Martial Law at Bonifacio naman dahil
ikinulong siya nang matagal sa Fort Bonifacio. Agosto 19 nang dumating siya
ng Taipei at Agosto 21 nang lumipad siya patungong Pilipinas.
Eto ang huling paglalakbay ni Ninoy. At tulad nga sa mga kuwento,
and the rest was history.
Ngunit masaya ako sa araw na ito hindi lamang dahil kay Ninoy kundi pati na rin para sa aking mga ngipin. Bakit? Dahil walang pasok ngayon ay nagkaroon ako nang oras para pumunta sa aking dentista at ipalinis ang aking mga kaawa-awang ngipin. Para kasi silang napapasailalim din sa Batas Militar. Hindi na sila masyadong naalagaan at pagod pa dahil sa katakawan ko lalo na sa mga matatamis.
Mahigit isa at kalahating taon na din pala magmula nang huli akong
bumisita sa aking dentista. Kinakilangan na ng reporma nang aking mga ngipin.
Kailangan na itong linisin at tanggalin ang mga salot na maaaring
makapagpabulok nang tuluyan dito. Kailangan ko nang palayain ang aking mga
ngipin sa pagdurusang kinakaharap nila araw araw.
Pagkatapos kalikutin ng dentista ang aking mga ngipin nang halos isang oras ay isa lang ang kanyang nasabi, "Whew! Pinagpawisan ako dun ah." Napangiti lang ako.
Haaay. Salamat kay Ninoy. Namulat ang mga Pilipino sa mga panlolokong ginagawa sa kanila ng Batas Militar. Salamat sa kanya at muli tayong nagkaroon nang pag-asa. At salamat din sa kanya dahil kung hindi sa araw na ito, siguro tuluyan nang mabubulok ang aking ngipin...
|
|
S E C T I O N S
Characters encountered, conversations overheard, lives examined. [ Enter ]
Geography, uncharted territory, and inner landscapes. [ Enter ]
Treasures, refuse, ideas, and the odd amulet or two. [ Enter ]
Action, reaction, momentum, dissipation. [ Enter ]
[ Home ]
|