21 August 2003 | 1230H | Manila
Ang Kuwento ng Kuwentong Kalye
Text by: Jewel Castro| Photos by: Jen Culian
Ligawin kami. Hindi, hindi sa marami kaming
manliligaw. Madali kasi kaming maligaw. Noong Linggo,
nag-ikot-ikot kami ng partner-in-crime kong si Jen sa
lungsod ng Maynila para maghanap ng kuwento para sa
proyektong ito. Diyos ko, para kaming mga hilong
talilong. Una, nagpunta kami sa Luneta. Noong nasa
jeep kami, naglabas si Jen ng papel at isinulat ang
mga pook na maari naming puntahan. Pinlano namin ang
aming paglalakbay. Sa aming pagkaabala sa pagpaplano,
lumampas kami – nakaabot kami sa City Hall.
Siyempre, bumalik kami. Dumaan kami sa mabantot na
Underpass at sumakay muli ng jeep. Nanghinayang kami
sa pamasahe. Tiningnan na namin nang mabuti ang aming
dinaraanan, hanggang nakarating kami sa Rizal Park.
Napagod kami sa paglalakad sa Luneta. Mga trenta
minutos yata kami naglakad papunta sa Manila Bay kung
saan namin kinausap si Mang Rene na nangingisda. Doon
sa Manila Bay, talsik nang talsik ang tubig-dagat sa
aming mga mukha. Naghahalo ang amoy ng anghit, basura,
grasa at asin sa aming mga ilong. Malakas kasi ang
hampas ng tubig sa batuhan. Nang kumukuha si Jen ng
retrato, nakanganga pala siya at natikman pa tuloy
niya ang maruming tubig. Kadiri, ano? Nang umalis
kami, nakakapit pa rin ang amoy ng Manila Bay sa aming
mga katawan at damit. Magulong-magulo ang aming mga
buhok. May smoke belcher pa sa kalyeng tinawid namin.
Winner.
Mabuti na lang at tulog ang babaeng nakasabay namin sa
jeep na sinakyan namin papuntang Pedro Gil kung saan
namin hinagilap ang mamang kumakanta sa kalye. Ewan ko
ba sa jeep na sinakyan namin, Buendia Taft naman ang
signboard tapos sa Mabini siya dumaan. Hindi pa naman
namin kabisado ang Mabini. Dahil pareho kaming malabo
ang mata, hindi namin makita ang mga nakasulat sa
karatula. Naaliw kami ni Jen sa hitsura ng babaeng
tulog kung kaya kinunan namin siya ng retrato. Nagulat
na lang kami nang nasa tapat na pala kami ng simbahan
ng Malate. Lumampas na naman kami!
Dali-dali kaming bumaba. Gutom na kami. Mabuti na lang
at may isang kapihan sa plasa. Ang “Tabi-tabi Po.”
Bumili kami ng Chocolate-Eh at pandesal na may kesong
puti. Masarap. Naisipan naming sumulat ng kuwento
tungkol sa “Tabi-tabi Po” at kinausap namin ang
may-ari. Ang galing. May magandang istorya pala sa
likod ng kapihang iyon.
Pagkatapos ng aming pakikipanayam, sumakay kaming muli
sa jeep at nakarating kami sa Pedro Gil. Wala roon ang
mamang kumakanta. Naramdaman namin ang sakit sa aming
mga binti. Sa labis na pagkabigo at panghihinayang sa
ginastos sa pamasahe, tumawa na lang kami ng tumawa.
Ang lahat ay tila nakatatawa. Ang buhay ay isang
komedya.
Sa buhay, marami tayong gustong tunguhin. Mayroon
tayong mga plano para sa kinabukasan. Marami tayong
mga pinapangarap gawin. Subalit minsan, wala sa atin
ang manibela. Hindi natin alam ang lohikang sinusundan
ng drayber sa pagmamaneho. Lumalampas tayo sa labis na
pag-aalala. Minsan ay nakakatulog tayo at hindi natin
namamalayang iba na pala ang tinatahak nating ruta.
Kaya kung saan-saan tayo napapadpad. At sa pagkasira
ng ating mga plano, ang lahat ay tila nawawalan ng
katuturan. Tila wala na tayong patutunguhan. Ang lahat
ng hirap ay napagtatawanan lamang.
Pero ang buhay ay hindi tungkol sa mga destinasyon.
Ang sigla at saya ng pagiging buhay ay nasa mga
munting sorpresa na ating natatanggap sa proseso ng
paghahanap. Ang kaligayahan ay nasa mga hindi
sinasadyang pagtuklas. Anuman ang ihain ng buhay sa
atin -- Manila Bay man o Chocolate-Eh -- dapat natin
itong tikman, sapagkat maaring minsan lang natin ito
mararanasan. Ang pagkaligaw, ang pagkawala sa
nakagisnang daanan: ito ang tunay na kuwento ng kalye.