Kuwentong Kalye | Lugar
19 August 2003 | 800 H | Manila

Maliwanag pa sa sikat ng araw

Text by: Leo Maranan | Photos by: Amirah Juco

Kapansin-pansin ang pagpapagandang ginagawa ng pamahalaang panlunsod ng Maynila. Ang mga parke at pasyalan na dati ay mga tambakan lamang ng mga basura ay isa-isa nang ipinalilinis at muling binubuhay. Kung dati-rati ay matatakot kang maglakad tuwing gabi dahil sa pangambang hindi ka mapansin ng mga nagmamaneho dahil sa dilim o ma-holdap ng mga masasamang loob dahil walang makakapansin, ngayon ay isa isang tabi mo na ang takot mo dahil ang lahat ay nagbago na.

Mayo nang taong ito nang simulang magtayo ng mga poste ng ilaw sa kahabaan ng Vito Cruz at Zobel Roxas Ave. Manila. Makikita sa mga nagtatrabaho na ito ay madaliang proyekto at kinakailangan na matapos agad bago umabot ang tag-ulan. Gayon pa man ay tumagal pa rin ang gawaan ng mahigit apat na buwan.

Kung maglalakad ka ngayon nang gabi sa kahabaan ng mga nabanggit na kalye ay tunay kang maaaliw. Iisipin mong naghahanda na sila para sa pasko dahil sobrang liwanag ng kalye. Mapapansin din na maganda ang mga poste na itinayo. Ang mga ito ay hindi tulad nang mga ordinaryong makikita sa ibang mga lansangan na gawa lamang sa semento at wala pang pintura. Ang poste ay tulad ng mga nakatayo sa mga parke at may pinturang kulay itim. Nakatayo ito sa sementadong korteng silindrikal na may nakatatak na “MAYNILA.” Kung ikaw ay maglalakad ay pakiramdam mo ay nasa ibang lugar ka at wala sa Maynila. Ang bumbilya na nakakabit dito ay hindi puti kundi kulay kahel (orange).

Mapapansin din ang mga ganitong proyekto sa iba pang lugar sa kalakhang Maynila. Umpisa nang taong ito nang simulan naming kabitan din ng mga ilaw ang kahabaan ng Taft papuntang Harrison St. ang buong paligid ng Harrison Plaza at Rizal Stadium ay maliwanag narin. Kung dati na kayo ditong dumadaan ay matatandaang napakadilim ng lugar na ito lalo na ang sa may tapat ng stadium. Marami rin naiuulat na mga kaso ng mga mandurukot at holdaper sa lugar na ito. Ngunit marahil dahil sa tulong nang pagpapaliwanag sa mga kalyeng ito ay mababawasan kung hindi man maiiwasan ang mga ganitong aksidente.

Maganda ang ginagawang ito ng pamahalaang local ng Maynila. Mas napapaganda nito ang imahe ng Maynila at mas nagiging kaakit-akit hindi lamang sa mga kapwa Pilipino kundi na rin sa mga turista. Ang mga proyektong tulad nito ay makakatulong nang malaki sa ating pambansang ekonomiya dahil muli tayong hahakot ng mga turista na dati ay umiiwas pumunta sa ating bansa dahil mga political at social issues na kinfasangkutan nang ating bansa. Muli rin nitong bubuhayin ang kasaysayan na unti unti nang ibinabaon sa limot ng mga Pilipino.

Sana ito ay magtuloy-tuloy at sana ay hindi sila magningas-kugon lamang. Sana ito ay pang-matagalan at hindi ngayon lamang. Sana ito ay hindi pagpapakitang tao lamang sa sambayanan dahil nalalapit na ang eleksyon. Sa mga taong kalahok sa mga proyektong tulad nito, saludo kami sa inyo at nawa ay ipagpatuloy ninyo ang magandang gawain na katulad nito.


S E C T I O N S

Tao
Characters encountered,
conversations overheard,
lives examined.
[ Enter ]

Lugar
Geography, uncharted
territory, and inner
landscapes.
[ Enter ]

Bagay
Treasures, refuse,
ideas, and the odd
amulet or two.
[ Enter ]

Pangyayari
Action, reaction,
momentum, dissipation.
[ Enter ]

Metro Manila Stories
[ Home ]


Tao | Lugar | Bagay | Pangyayari | Home

Send comments or submissions to Kuwentong Kalye.

Kuwentong Kalye. All rights reserved.
Copyright 2002, Department of Communication
De La Salle University