19 August 2003 | 800 H | Manila
Si Mang Nar at ang kanyang buko
Text by: Katrina Gail Tan | Photos by: Jean Azucena
Isang hapong napadaan ako sa kanto ng Harrison, napansin ko ang isang lalaking katabi ang isang kariton ng buko. Abalang-abala siya noon sa pagbabalat ng mga ito gamit ang kanyang napakalaking itak. Napabilib niya ako sa husay niyang magbalat kaya’t naisipan ko naring tumigil at bumili sa kanya. Nakilala ko siya sa pangalang Mang Nar. Siya ay tubong Cavite at tatlumpu’t limang taong gulang. Si Mang Nar ay labing-tatlong taon nang nagtitinda ng buko at ayon sa kanya, malakas rin naman raw ang bentahan nito. Naisip niyang pasukin ang nasabing hanapbuhay sa tulong ng kanyang kaibigan. Di nagtagal, ito na ang bumuhay sa kanyang asawa at dalawang anak.
Maaga palang nagpupunta na si Mang Nar sa Pasay upang kumuha ng mga bukong mailalako niya magdamag. Ayon sa kanya, nagmumula pa ang mga ito sa Batangas kaya naman napakasarap talaga. Mula Pasay, inilalako niya ito hanggang sa bahay nila sa Bangbang. Kadalasan, tumitigil siya ng ilang oras sa may Harrison Plaza, UP Manila, Manila Zoo at UN Avenue sapagkat doon pinakamabenta ang prutas. Nakangiti siyang binanggit sa akin na napakarami na raw niyang mga suki sa mga nasabing lugar. Dahil ditto, natanong ko siya kung bakit naman sa kinadamidami ng pwedeng ilako, buko ang napili niyang ibenta. Dali-dali niyang sinagot ang aking tanong.
Ayon sa kanya, kumpara
sa ibang mga prutas na nalalako gaya ng mangga, saging, mansanas at iba pa, ang buko ay ang pinakamainam itinda sapagkat hindi ito agad nabubulok. Dagdag pa rito, napakarami raw ng mga bagay na nagagawa gamit and buko. Ang katas raw nito, maliban sa mahusay na pantawid-uhaw, ay napakamasustansya. Mayroon pa nga raw siyang mga suki na ginagamit ang juice ng buko na parang tubig na panulak sa pagkain. Dagdag pa rito, ang manamis-namis na puting laman ng prutas ay nakakain at ginagamit narin na pampalasa ng mga kakanin. Ang gata nito ay ang nagpapasarap sa laing at iba pang ginataang pagkain. At panghuli, ayon sa kanya, ang matigas na balat nito ay paminsan minsan nyang nabebenta sa mga gumagawa ng bunot at mga nagaalaga ng Orchids.
Nakakatuwang isipin ang malaking swerteng naitutulong ng buko kay Mang Nar, bago umalis, naitanong ko sa kanya kung ano sa tingin niya ang hirap ng ganoong hanapbuhay. Isa lang ang sinagot niya, “mabigat.” Natawa ako at tuluyan nang nagpaalam, habang hinihigop ang napakasarap na buko juice.