Kuwentong Kalye | Lugar
18 August 2003 | 2100H | BF Homes

ANG GININTUANG RUINS

Text by: Erica R. Batac | Photos by: Patricia de Castro

BF Ruins

Kapag nakakita ka ng isang residente ng BF Homes o di kaya’y kahit sino na nakatira malapit sa Parañaque area at nagustuhan mo ang suot nilang damit kadalasa’y sasabihin niya sa iyo “Nabili ko dun sa Ruins”. Minsan naman may maririnig kang CD o mapapanood na DVD at tatanungin mo ang kaibigan mo kung saan nanggaling. “Dun lang sa Ruins yan!” ang kadalasang sinasagot. Pero ang tanong dyan, asan nga ba sa mundo ang Ruins?

Kung nakapunta ka na sa Tutuban o sa Divisoria, mistulang ganito ang Ruins ang kaibahan lamang, mas malinis dito at mas ligtas mag shopping. Matatagpuan ito sa BF Commercial Complex sa BF Homes, Parañaque. Natatandaan ko na noong maliit pa ako, isa itong commercial establishment na nasunog. Sinasabing malas daw ang lugar na ito kaya’t hindi na ito muling tinayuan pa. Matagal na isa lamang bakanteng lupa ang kinatatayuan ng Ruins. Madalas ginagawa itong tambayan ng mga drug addict hangga’t dumating ang isang Pasko at pinasiya ng Mayor na magsagawa ng isang bazaar dito. Bazaar

Di nagtagal, bawat Pasko mayroon nang bazaar sa Ruins. Unti-unting nabuhay muli ang paligid ng dating walang sibling lote. Nung una, mga residente lamang ng BF Homes ang namimili dito. Pero nang maglaon, dinayo na ito ng mga taga Ayala Alabang, Merville at iba pang mga subdivision sa South. Madali kasing mamili, marami kang pagpipilian at mura pa ang presyo. Hindi nga ganoon ka ganda ang ambience ng lugar na ito, pero sulit na sulit ka naman sa mga pinamimili mo. Halos pareho lang kasi ng tinitinda ang Ruins sa mga mall ang pagkakaiba lang ay walang tatak ang mga binebenta dito. Kaya kung may gusto kang bilhin sa mall pero wala kang budget para dito, bakit hindi mo subukang pumunta sa Ruins at siguradong may makikita ka doon na halos kapareho lang ng bibilhin mo sa mall, mas mura pa!

Habang lumilipas ang panahon, lumago nang lumago ang Ruins. Hindi na lamang ito bukas tuwing Pasko ngunit pati tuwing regular na mga araw din mula alas quarto ng hapon hanggang alas dose ng hating gabi. Dumami ng dumami ang mga stalls dito at ang dating magilan-ngilan lamang na eskinita ay nagparang mga kabuteng biglang nagsulputan. Maraming mga resident eng BF Homes ang nakapagtayo ng sarili nilang negosyo dahil sa Ruins. Marami naming maliliit na negosyante ang nagsipag-angat dahil sa pwestong itinalaga nila sa Ruins. Naging popular din ang Ruins sa mga kabataan hindi lamang para sa pag shoshopping ng damit, sapatos at iba pa kung hindi pati na rin sa kainan. Dito matatagpuan sa Ruins ang isa sa mga pinaka masarap na isawan sa buong Katimugan ng Metro Manila. Dahil na din siguro sa dami ng pumupunta kaya’t pinasya ng ibang negosyante na magtayo ng kainan sa Ruins. Nagkaroon din ng bilyaran sa gitna ng Ruins, pet store sa isang kanto at bilihan ng mga gamit pang bahay sa isang eskinita. Isawan

Dahil sa sobrang popular ng Ruins, ipinasiya ng Mayor na habaan ang mga oras ng pagbubukas nito. Ngayon nagbubukas ang Ruins ng alas diyes ng umaga at nagsasara ng alas dose ng gabi. Maraming nagsasabi na illegal daw ang pagkakaroon ng Ruins dahil hindi saklaw ng BIR ang mga negosyante dito pero isa lang masasabi ko, maari ngang hindi masyadong kaaya-aya tignan ang Ruins, maari ngang hindi lahat ay sang ayong sa pagkakaroon ng Ruins, pero sa ngayon isa nang institusyon ang Ruins hindi lamang sa puso ng mga kabataan sa BF Homes kung hindi pati na rin sa ibang mga lugar.


S E C T I O N S

Tao
Characters encountered,
conversations overheard,
lives examined.
[ Enter ]

Lugar
Geography, uncharted
territory, and inner
landscapes.
[ Enter ]

Bagay
Treasures, refuse,
ideas, and the odd
amulet or two.
[ Enter ]

Pangyayari
Action, reaction,
momentum, dissipation.
[ Enter ]

Metro Manila Stories
[ Home ]


Tao | Lugar | Bagay | Pangyayari | Home

Send comments or submissions to Kuwentong Kalye.

Kuwentong Kalye. All rights reserved.
Copyright 2002, Department of Communication
De La Salle University