Kuwentong Kalye | Tao
18 August 2003 | 1530 | Manila Bay

Pangingisda sa Manila Bay

Text by: Jewel Castro | Photos by: Jenelyn Culian

Mang Rene "Hobby ko lang ito," nakangiting sabi ni Mang Rene nang tanungin namin siya kung bakit siya namimingwit sa Manila Bay kahapon. Nagbibiyak ng maliliit na tahong si Mang Rene nang abutan namin siyang nakatayo sa batuhan ng seawall malapit sa Boardwalk ng Luneta. Dinudukot niya ang malambot na laman at ginagawa itong pain para sa isda. Luma at payak ang pambingwit na kanyang dala, isang regalo mula sa isang kaibigan.

Retirado na si Mang Rene Fajardo sa edad na 65. Matangkad siya, malapad ang balikat, payat ngunit mukhang malusog ang pangangatawan. Kasama niya ang kanyang kabiyak na nagngangalang Filipinas ("Pen" sa kanyang mga kaibigan), isang guro sa isang paaralang pampubliko. Apatnapu at tatlong taon na silang kasal. Masarap silang kakuwentuhan. Ipinakita sa amin ni Aling Filipinas ang kanilang huli na nakasilid sa isang Coleman icebox. Kulay pilak ang mga asuhos, at may gintong linyang pumapalamuti sa kahabaan ng katawan nito. Totoo nga! May nabubuhay pa sa Manila Bay! Agad pumasok sa aking isipan ang pinangat--isdang pinakuluan na may kasamang kamias at siling labuyo.

Sa kanilang edad, marami pa silang pinagkakaabalahan. Kasama nilang nakatira sa bahay ang kanilang tatlong malilikot na apo--isang 5-taong gulang, isang 3-taong gulang at isang sanggol na 6 na buwan pa lamang. "Gusto nga sana naming isama ‘yong mga bata kaya lang, sobrang likot," wika ni Aling Pen. "Iyong 5 years old sinama namin dati rito, tumalon ba naman sa tubig, mabuti na lang at nakatapak sa bato at nahawakan siya [ni Mang Rene] sa braso." Mahilig ring sumayaw si Mang Rene. Kasapi naman sa isang jogging club si Aling Pen. Isda

Dito sa siyudad, iba ang dagat na kinikilala ni Mang Rene. Ang simoy nito ay may dalang alat at pait, hindi tulad ng dagat sa tinubuang Cavite kung saan hindi nagkukulay-grasa ang tubig. Gayunpaman, may tiwala siya sa Manila Bay. Wala raw pinagkaiba ang isdang mula sa palaisdaan sa isdang mula rito. "Dito rin nanggagaling ang isdang binibili ninyo sa palengke," wika ni Aling Pen. Noong una, akala namin ay sa Manila Bay talaga sila kumukuha ng pagkain sa araw-araw. Gumaan ang pakiramdam namin nang nalaman naming hindi pala sila kasama sa nagugutom na masa ng Maynila. Siguro dahil takot kaming mausig ang aming mga konsyensya.

Malakas ang hangin at magulung-magulo ang aming mga buhok nang kami ay nakipaghuntahan kina Mang Rene at Aling Pen. Malakas ang hampas ng alon sa malalaking bato. Tumatalsik ang maruming tubig sa aming mga mukha, sa aming mga mata, sa bibig ng aking kasama. Mahapdi ang alat sa aming mga mata. Nakadidiri ang lasa. Sa aking pagmumuni-muni, naisip ko, ganito nga siguro ang maging Pilipino sa panahong ito. Magtitiwala sa anumang dagat. Maghahanap ng biyaya kahit sa maruming tubig. Patuloy tayong nabubuhay sapagkat, mabuti na lang, hindi pa sumusuko ang kalikasan.

Tulad ng ‘di pagsuko ng mga katawan ng mag-asawang Fajardo. Masaya naming iniwan ang lolo at lolang hindi pa binabawian ng sigla. Siyempre, ayaw na naming istorbuhin pa ang kanilang date. Siguradong naging romantiko ang kanilang dapithapon habang magkasama nilang pinanood ang paglubog ng araw.


S E C T I O N S

Tao
Characters encountered,
conversations overheard,
lives examined.
[ Enter ]

Lugar
Geography, uncharted
territory, and inner
landscapes.
[ Enter ]

Bagay
Treasures, refuse,
ideas, and the odd
amulet or two.
[ Enter ]

Pangyayari
Action, reaction,
momentum, dissipation.
[ Enter ]

Metro Manila Stories
[ Home ]


Tao | Lugar | Bagay | Pangyayari | Home

Send comments or submissions to Kuwentong Kalye.

Kuwentong Kalye. All rights reserved.
Copyright 2002, Department of Communication
De La Salle University